News & Events

Compendium for the Assessment and Documentation of the Native Animal Production Systems in the Philippines, Inilunsad ng BAI

Pia Martinez| February 24, 2025

Matagumpay na nai-presenta ngayong araw ang Compendium for the Assessment and Documentation of the Native Animal Production Systems in the Philippines, sa pangunguna ni Bureau of Animal Industry (BAI) Project Team Leader Dr. Rene Santiago. Naisagawa ang proyektong ito sa pamamagitan ng suporta mula sa Department of Agriculture-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR). Kasama sa mga dumalo sa paglulunsad ng nasabing compendium ang mga kinatawan mula sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan, mga magsasaka at iba pang stakeholders.


Binuo ang compendium upang tugunan ang pangangailangan para sa mas malalim na datos ukol sa produksyon ng mga katutubong hayop sa Pilipinas. Bahagi ito ng Philippine Native Animal Development (PNAD) Program, na itinatag upang pangalagaan at paunlarin ang mga katutubong hayop sa bansa.


Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni BAI Director Diosamia Sevilla ang kahalagahan ng proyektong ito sa patuloy na pagpapa-ibayo ng sektor ng agrikultura. “Ang mga katutubong hayop tulad ng manok, bibe, kambing, baka, baboy at kabayo ay hindi lamang nagbibigay ng kabuhayan sa mga smallhold farmers kundi nagtataglay din ng mga katangiang angkop sa lokal na klima ng bansa.” Saad ni Director Sevilla.


Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng sapat na datos mula sa mga magsasaka ay mahalaga sa pagbuo ng mga polisiya at programa na magpapalago sa produksyon at konserbasyon ng mga katutubong hayop. Sa pamamagitan ng compendium, magkakaroon ng mas malinaw na gabay hindi lamang ang mga magsasaka kundi pati na rin ang mga institusyon ng gobyerno at pribadong sektor.


Sa pagtatapos ng presentasyon, hinikayat ang lahat ng dumalo na magbigay ng kanilang mga suhestiyon at rekomendasyon upang higit pang mapabuti ang compendium at ang mga hakbang sa konserbasyon ng mga native animal.


Ang proyekto ay itinuturing na isang mahalagang hakbang patungo sa mas sustenableng kinabukasan ng agrikultura sa Pilipinas.